Pasalubong? Doon, sa Likhang Maragondon!
Original Article by The Forum
Date: May 2, 2020
Pasalubong? Doon, sa Likhang Maragondon!
Sa tuwing tayo’y magagawi sa ibang lugar, tila natural na sa ating mga Pilipino na bumili ng pasalubong para sa ating pamilya at mga kaibigan. Sa ganitong paraan, maipapatikim natin sa kanila ang mga natatanging pagkain at maipapakita rin ang kultura’t sining na mayroon sa lugar na ating pinuntahan. Kaya naman kung ikaw ay magagawi sa bayan ng Maragondon, Cavite, at iba’t ibang pagkain at mga de-kalidad na artistikong bagay ang iyong hanap, sagot na ng Likhang Maragondon ang pasalubong mo!
Ang Likhang Maragondon Native Products and Pasalubong Center ay matatagpuan sa Garita-A, Maragondon, Cavite. Itinayo ito noong ika-26 ng Nobyembre taong 2019 na layuning magbenta ng mga lokal at tradisyunal na produkto. May mga produktong yari sa hinabi ng dalawang natitirang manghahabi ng lugar – Nieves “Ebeng” Asuncion at Teodora “Doreng” Pantoja – gaya ng makukulay na kitchen towel, shawl, blusa, polo, denim jacket, iba’t ibang uri ng bag, at marami pang iba. May mga yari rin sa kawayan gaya ng native bamboo speaker, candle holder, tray, lampara, at iba pang mga gamit pandekorasyon.
Ang mga ganitong uri ng pasalubong, makaluma man kung iisipin, ngunit kung iyong titignan ay may pagka-elegante at kayang sumabay sa mga modernong kasuotan at kagamitan. Bukod pa rito, layunin ng Likhang Maragondon na ipagmalaki at pagyamanin pa ang kultura’t sining ng lugar.
Ayon sa may-ari ng pasalubong center na si Bb. Catherine Diquit, isang social entrepreneur, ang pagkakatatag ng tindahan ay hindi lang tungkol sa negosyo. Ito ay nagnanais ding magbigay ng oportunidad at motibasyon sa mga kababayan niyang manggagawa upang kumita habang patuloy na binubuhay ang mayamang nakaraan ng Maragondon. "It's not about the business, it's about the people," 'ika nga niya. Kaya naman patuloy ang kaniyang adbokasiyang linangin ang mga tradisyunal na gawain sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga kababayan niya.
“…even if you have millions of pesos or billions of dollars, when you go back to your community and you see the people struggling,
parang aanhin mo lahat ng blessings mo if you cannot help your own kababayans,” dagdag pa niya.
“Nakita ko kung gaano kayaman at kalaki ‘yung potential ng culture sa Maragondon when it comes to arts. Pero ‘yung pinakamasaya sa lahat ay nakatutulong ako para mas mabuhay ang weaving industry sa Marag by making them known,” Erika Mae Benito, sales associate at mag-aaral din ng PUP.
Gaya nga islogan nila, “Heritage in your hands. Crafted with purpose”, tunay ngang nasa kamay ng mga mamamayan ang pag-asa ng nalilimutang yaman ng bayan. Higit pa sa salapi, ang pagkakaroon ng isang komunidad ng mga mamamayang nangangarap na maipakita sa iba ang sariling produkto, talento, at kultura – ay isang kayamanang ating maipagmamalaki.
Hindi magpapahuli ang mga taga-Maragondon sa pagpapamalas ng kanilang natatanging kakayahan sa paggawa ng pasalubong. Hindi lamang materyal na bagay ang ating maiuuwi bilang souvenir, tangan-tangan din natin ang kayamanang mula pa sa malikhaing kamay ng ating mga kababayan dito – silang mga bayaning patuloy na bumubuhay sa tunay na yaman ng kultura’t sining ng Maragondon.
- Cristine Rose Manahan, MJ Iglesias, at Ralph Cyrus Lubaton